Itinanggi ng United Broilers Raisers Association o UBRA na marami nang poultry farm sa Luzon ang nagsara dahil sa newcastle disease sa mga manok.
Ayon kay Atty. Jose Inciong, Pangulo ng UBRA, posibleng nagsara lamang ng panandalian ang mga apektadong poultry farms upang mag-disinfect upang mawala ang virus.
Kasabay nito ay pinawi ni Inciong ang pangamba na maibenta pa sa pamilihan ang mga manok na namatay dahil sa newcastle disease.
Gayunman, aminado si Jose na posibleng tumaas ang farm price ng manok sa mga lugar sa Luzon na naapektuhan ng newcastle disease.
“Meron po niyan dito sa buong mundo kaya po napakaraming bakuna na ho yan, baka yung paraan po ng pagbigay, medyo teknikal po kasi yan eh, may oras ng pagbigay yan na may paraan, kapag mali ang pagbigay eh hindi po tatalab, hindi din po tatalab ang bakuna kung wala sa kondisyon ang manok.” Ani Jose.
Ayon kay Inciong, inaalam na nila kung mayroong bagong strain o genotype ng newcastle disease na nakaapekto sa ilang poultry farms sa Luzon.
Sinabi ni Inciong na matagal na ang sakit na ito sa mga manok at mayroon nila sa buong mundo subalit ngayon lamang ito kumalat ng malawakan sa mga poultry farms.
“Pag binuksan po ninyo ang manok eh napakabaho, kahit tutukan po ng baril ang mamimili hindi po yan bibilhin, sa mga grocery sa palengke, hindi pa ganung nagkakaroon ng dagdag, sa farm gate po sa mga lugar na naapektuhan, wari ko po, mahirap po kasing linlangin natin ang mga sarili natin, magkakaroon ng epekto yan kahit papano, kasi kung hindi nagkakarga ang mga farm, mag-iingat po yan, yung iba pong naapektuhan po niyan ay maghihintay yan na uminit-init ang panahon bago magkarga eh, kasi pag ganitong malamig ang panahon, napakatapang po ng mga virus.” Pahayag ni Inciong.
By Len Aguirre | Ratsada Balita