Ipinagpaliban ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagsasara ng Marcos Highway Bridge sa Marikina City na nakatakda sana kahapon.
Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, isasaayos muna ang daloy ng trapiko at bibigyang daan ang pagbubukas ng intersection sa FVR Road na magsisilbing isa sa mga alternate route.
Isasara na rin ang U-turn slot sa FVR Road para tuloy-tuloy ang daloy ng mga sasakyang mula sa Quezon City at patungong Antipolo City Na dumaraan ng Marcos Highway.
Bagaman sa Mayo 11 pa target isara sa daloy ng trapiko ang tulay, nilinaw naman ni Pialago na bukas pa rin ang isang lane nito sa mga motorista sa panahon ng rehabilitasyon.
Nasa 3,000 motorista ang inaasahang maaapektuhan sa pagsasara ng bahagi ng Marcos Highway Bridge para sa rehabilitasyon.
Tatagal ng apat na buwan ang rehab sa eastbound lane ng Marcos Bridge gayundin sa westbound lane nito o kabuuang walung buwan ang itatagal ng pagkukumpuni.