Kinuwestyon ngayon sa Korte Suprema ng mga sandcastle maker, drivers at iba pang mga manggagawa sa Boracay island ang legalidad ng ginawang pansamantalang pagsasara ng pamahalaan sa number one beach resort sa bansa.
Batay sa 29 na pahinang petition for mandamus and prohibition ng mga petitioners, hiniling nila sa Korte Suprema na mag-isyu ito ng Temporary Restraining Order (TRO) o di kaya’y status quo ante order na pipigil sa pagpapasara sa Boracay na magsisimula mamayang alas dose uno ng umaga.
Ayon naman kay Atty. Angelo Karlo Guillen, National Union of Peoples’ Lawyers o NUPL-Panay Chapter na tumatayong abogado ng mga petitioner, nagpatulong na aniya sa kanya sina Mark Anthony Zabal, Thiting Jacosalem at Odon Badiola upang dumulog sa Korte Suprema at maipaabot sa hukuman ang kanilang hinaing. Nanganamba raw ang tatlo na magugutom ang kanilang pamilya dahil sa Boracay closure.
Iginiit ni Atty. Guillen na hindi kailangang isara ang Boracay habang isinasagawa ang rehabilitasyon para hindi rin maapektuhan ang kabuhayan ng mga manggagawa doon.
Wala rin kasi umanong ipinangakong tulong ang lokal na pamahalaan ng Boracay kaya’t siguradong gutom ang aabutin ng mahigit 36,000 na manggagawa.