Muling iginiit ng international rights organization na Human Rights Watch ang panawagan nito sa United Nations Human Rights Council (UNHRC).
Ito ay ang pagtatatag ng malaya, epektibo at walang pinapanigang imbestigasyon hinggil sa mga kaso ng pagpatay umano sa ilalim ng kampanya kontra ilegal na droga ng Pilipinas.
Ayon kay HRW deputy Geneva director Laila Matar, ang mga ulat mula kay High Commissioner Michelle Bachelet kaugnay sa sitwasyon sa Pilipinas hinggil sa ‘drug war’ ay lubusan aniyang nagpapakita kung gaano katalamak ang mga paglabag sa karapatang pantao sa bansa.
Dahil dito, ani Matar, kinakailangan aniya na agarang umaksyon ang konseho hinggil dito.
Nakapangingilabot aniya ang mga napag-alamang libu-libong mga namamatay dahil umano sa ‘war on drugs’ ng gobyerno.
Tinukoy din ng HRW ang kabiguan ng gobyerno ng Pilipinas na gumawa ng hakbang para panagutin ang mga sangkot dito.
Samantala, magugunitang Hulyo ng taong 2019 nang pumabor ang UNHRC sa resolusyon na magtatatag ng imbestigasyon sa libu-libong kaso umano ng drug war killings sa bansa.