Itinanggi ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang mga ulat na tinanggal niya ang dalawang psychiatrist na nagbigay sa kaniya ng mababang grado sa mental fitness test nang mag-apply ito bilang Chief Justice nuong 2012.
Giit ni Sereno, ang JBC o Judicial and Bar Council aniya na siyang sumasala sa mga nominado para sa mga posisyon sa hudikatura at Ombudsman ang siyang nagpasya na huwag nang i-renew ang kontrata ng dalawang psychiatrist.
Ginawa ni Sereno ang pahayag bilang tugon sa alegasyon ni Atty. Larry Gadon sa kaniyang inihaing impeachment case laban kay Sereno na nagsabing hindi na ini-renew ng JBC ang kontrata ng dalawang psychiatrist makaraang mapaso ang mga ito.
Magugunitang lumabas sa isang ulat sa pahayagan na tinanggal umano ni Sereno ang dalawang psychiatrist na naglarawan umano sa kaniya bilang dramatic at emotional.
Batay sa umiiral na patakaran ng JBC, hindi maaaring tanggapin sa alinmang posisyon sa hudikatura ang sinumang aplikante na bibigyan ng gradong apat (4) sa mental fitness test.