Inirekomenda na ng Philippine National Police-Internal Affairs Service o PNP-IAS kay PNP Chief General Bato Dela Rosa na sibakin na sa serbisyo ang dalawang pulis na sangkot sa pagpaslang kay Carl Angelo Arnaiz.
Batay sa resulta ng imbestigasyon at pagdinig PNP-IAS, sadyang pinatay si Arnaiz noong madaling araw ng August 18 sa Caloocan City.
Ayon kay PNP-IAS Insp. Gen. Alfegar Triambulo hindi nila tinanggap ang pahayag ng mga pulis na isa umanong lehitimo ang kanilang isinagawang operasyon.
Mabigat din umano ang testimonyang isinumite ng taxi driver na si Tomas Bagcal kung saan tugma rin sa crime scene at hindi rin aniya napatunayan sa imbestigasyon kung matagal na nga bang holdaper si Arnaiz dahil walang record ito sa mga presinto.
Grave misconduct at conduct unbecoming a police officer ang kasong administratibong kinakaharap ni PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricy Arquilita.
Parusang one rank demotion naman ang inirekomenda ng PNP-IAS para kay PCP-2 Commander Fortunato Ecle dahil sa pagtatakip sa kaniyang mga tauhan.
—-