Pinagtibay ng korte ang kapangyarihan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na bawiin ang karapatan ng Small Town Lottery (STL) operators na makapag-operate kapag napatunayang lumabag sa Agency Agreement Contract (ACC).
Kasunod na rin ito nang pagpabor ng Mandaluyong City RTC sa PCSO para bawiin ang lisensya ng STL operator na saturn gaming corporation na mag operate sa Southern Leyte at lalawigan ng Cebu nitong March 8 matapos lumabag sa kontrata.
Una nang hiniling ng PCSO sa pamamagitan ng omnibus motion para ipawalang bisa ang nauna nang writ ot preliminary injunction na nakuha ng saturn gaming laban sa pcso nitong nakalipas na May 19.
Binigyang-diin ni Mandaluyong City RTC Branch 209 Presiding Judge Monique Quisumbing-Ignacio na ang Saturn Gaming Corporation ay ahente lamang ng PCSO kaya’t nakatali ito at dapat sumunod sa mga probisyon ng agency agreement.
Ikinatuwa naman ni PCSO General Manager Mel Robles ang nasabing desisyon ng korte dahil tanging layunin lamang nila ay linisin at ayusin ang operasyon ng STL.
Kaugnay nito, binalaan ni GM Robles ang iba pang STL operators na babawiin ang karapatang ibinigay sa mga ito para mag-operate kung lalabag sa AAC.