Labis na ikinababahala ng mga eksperto ang patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa Davao City.
Ayon kay OCTA Research Fellow Ranjit Rye, batay kasi sa datos ng Department of Health o DOH, pitong linggo nang nangunguna ang lungsod sa may pinakamataas na kaso sa bansa simula noong nakaraang buwan.
Sa monitoring list ng grupo na may petsang Hulyo 13 hanggang Hulyo 19, nasa 219 ang naitatalang kaso sa Davao na mas mababa sa 226 na kaso noong naunang linggo ngunit nangunguna pa rin sa talaan kumpara sa ilan pang high-risk cities.
Giit ni Rye, ang pitong linggong dire-diretsong mataas ang kaso ng COVID-19 ng Davao ay masasabing indikasyon na hindi gumagana ang istratehiyang ipinatutupad ng lokal na pamahalaan kaya’t mahalagang magkaroon ng bagong polisiya.
Dahil dito, inirerekomenda ng OCTA ang pagdedeklara ng General Community Quarantine (GCQ) para sa siyudad na mas “upscale” ang restrictions kung saan ipinauubaya naman nila ang desisyong ito kay City Mayor Sara Duterte upang mabilis na mapababa ang kaso.
Wala pang komento sa ngayon ang Davao city government hinggil sa pinakabagong report ng OCTA Research at DOH.