Binalaan ng OCTA Research Team ang gobyerno kaugnay sa posibilidad ng significant surge o pagsirit pa ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Metro Manila sa mga susunod na linggo kasunod ng maraming pagtitipon nitong nakalipas na Holiday season.
Ayon sa OCTA team, malaki ang posibilidad na ang UK variant ng coronavirus ay nakapasok na sa bansa bukod pa sa anila’y super spreader events tulad ng pista ng Itim na Nazareno na factor din sa pagtaas pa ng kaso ng COVID-19.
Kasabay nito, hinimok ng OCTA team ang gobyerno para paigtingin ang testing, palakasin ang contact tracing at maging ang kapasidad ng healthcare system para mapaghandaan na rin ang potential outbreaks, pabilisin ang pagbili ng ligtas at epektibong bakuna kontra COVID-19 at tuluyang paggulong ng immunization program.
Batay sa data mula sa Department of Health, inihayag ng research team na tumaas sa 1.13 ang reproduction number ng virus na siyang average na bilang ng mga taong nahawahan ng COVID-19 mula sa infected person.