Hindi na maiiwasan ang pagsirit ng kaso ng COVID-19 partikular ng Delta variant lalo na nitong nakalipas na dalawang linggo.
Ayon ito kay Dr. Rontgene Solante, Infectious Disease Specialist at miyembro ng Vaccine Expert Panel, dahil mabilis na makahawa talaga ang Delta variant na kaagad makakahawa ng lima hanggang walo kapag nakasalamuha sa isang closed space kung walang face mask, face shield at physical distancing.
“Talagang meron pagtaas ng kaso ng COVID-19 at ito din yung mga same characteristic na nakikita sa ibang bansa nung nakapasok yung Delta variant dahil nga sa pagtaas ng hawaan netong variant ng COVID-19, so expected din yan ng maraming hospital, marami ring potential na mamamatay, dahil nga sa marami pa ring hindi nabakunahan, especially yung mga tinatawag natin na vulnerable population, yung A2 and A3 yun,” wika ni Solante.
Dahil dito, binigyang diin ni Solante na mahalaga ang dalawang linggong ECQ sa Metro Manila simula Agosto 6 para hindi na maulit ang sinapit ng bansa nang unang bumulaga ang COVID-19 sa bansa.
“In the past 2 weeks talagang unti-unti na tumataas. Kaya yung pag-declare ng ECQ, ito yung just timely na hopefully mapigilan natin yung tinatawag natin na overwhelming number of cases to the point na wala na tayong maipaglagyan doon sa mga pasyente, sa mga hospital, kasi yun yung…natin dahil na-experience natin nung March na hindi pa nga yun Delta variant, maraming namamatay, hindi nakaabot ng hospital…ayaw sana natin mangyari yan kaya napakaimportante takaga netong ECQ na kailangan nating gawin in the next two weeks.” Si Dr. Rontgene Solante, miyembro ng Vaccine Expert Panel, sa panayam ng DWIZ.