Inalmahan ng isang kongresista ang pagsirit ng utang ng Pilipinas sa pinakamataas na antas sa kaysaysayan kahit wala pang naipapasang panibagong ayuda sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Magugunitang iniulat ng Bureau of Treasury na umabot na sa P11 trillion ang utang ng Pilipinas sa pagtatapos ng Mayo dahil sa pandemya.
Ang tumataginting na utang ay binubuo ng halos P8 trilyong na domestic barrowing ng gobyerno at mahigit 3 trilyon mula sa ibang bansa.
Ayon kay House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, kataka-takang hindi makapaglaan ng P405 billion para sa panukalang Bayanihan 3 gayong umaapaw ang utang ng bansa.
Bagaman pumasa na sa huling pagdinig ng Kamara ang Bayanihan 3, na planong magbigay ng 2,000 pesos sa bawat mamamayan, mahirap man o mayaman, hindi pa rin umuusad ang counterpart bill nito sa Senado.
Hindi na anyang maaaring gawing palusot na wala nang pera ang gobyerno upang mamahagi ng ayuda sa mga naapektuhan ang kabuhayan dahil sa quarantine restrictions.
Una nang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na “hindi prayoridad” ang pagpasa sa Bayanihan 3 lalo’t may pondo pa ang Bayanihan 2 na hindi naman lahat nagastos. —sa panulat ni Drew Nacino