Umalma ang Department of Agriculture (DA) sa pagsisi sa importasyon ng bigas kaya’t bumaba ang presyo ng palay sa bansa.
Ayon kay Agriculture Spokesman Assistant Secretary Noel Reyes, nagmura ang bentahan ng palay dahil basa ang ilan sa mga inaning butil.
Wala aniyang gustong bumili ng basang palay kaya’t napipilitan ang mga magsasaka na ibenta na lamang ang kanilang ani sa P12 hanggang P19 kada kilo.
Kasabay nito, hinimok ng DA ang mga importer na itigil muna ang pag-aangkat ng bigas tuwing panahon ng anihan para matulungan ang mga magsasaka.
Una nang iginiit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang imbestigasyon sa reklamo ng mga magsasaka matapos lumagapak sa P12 na lamang ang presyo kada kilo ng mga bagong aning palay.