Pangkalahatang naging maayos ang pagsisimula ng overseas absentee voting o OAV para sa mahigit 1.8 million na mga rehistradong Pilipinong botante na naninirahan o nagtatrabaho sa iba’t ibang mga bansa noong Sabado.
Sa Hong Kong kung saan may mahigit 87,000 ang mga nakarehistrong botante, sinabi ni Philippine Consul General Antonio Morales na wala silang na-monitor na anumang aberya sa simula ng botohan.
Maayos at gumagana aniya ang lahat ng makinang ginagamit para sa absentee voting sa Hong Kong.
Ayon naman kay Kuwait Philippine Charge d’ Affaires Mohd Noordin Pendosina Lomondot, nasa 200 mga botanteng Pilipino ang kanilang naitalang bumoto sa unang araw ng OAV.
Samantala, inihayag ng Commission on Elections o Comelec na walang isasagawang overseas absentee voting sa Damascus, Syria, Baghdad, Iraq at Tripoli, Libya dahil sa nangyayaring kaguluhan sa mga nabanggit na lugar.
Patuloy ding hinihimok ng Comelec ang lahat ng rehistradong Overseas Filipino Workers (OFWs) na makibahagi sa halalan at bumoto hanggang Mayo 13 o mismong araw ng eleksyon dito sa Pilipinas.
—-