Ibinabala ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng maranasan ngayong taon ang pinakamainit na temperatura.
Sa pagtaya ng Weather Bureau, posibleng ma-break sa mga susunod na buwan ang naitalang 38.6 degrees celsius na pinakamainit na temperatura sa Metro Manila noong 1915 habang 42.2 degrees celsius naman ang record high na temperatura sa Tuguegarao, Cagayan.
Idinagdag pa ng PAGASA na kahit hindi ma-break ang record, delikado pa rin ito sa kalusugan tulad na lamang ng heat stroke dahil sa patuloy na pag-init ng panahon.
Kaugnay nito, posibleng bago magtapos ang Marso ideklara na ng PAGASA ang opisyal na pagsisimula ng tag-init.
Ayon sa PAGASA, sa oras na tuluyang humina o mawala ang northeast monsoon o amihan ay maaari na nilang ideklara ang pagsisimula ng dry season.
Bagaman patuloy na umiihip ang easterlies o mainit na hangin mula silangan bilang dominanteng weather system sa bansa, inaasahan namang magbabalik ang amihan sa susunod na linggo sa dulong hilagang Luzon.
Pinakamainit na temperaturang naitala ng PAGASA ngayong buwan ay 38.1 degrees celsius sa General Santos City noong March 1 na sinundan ng 37.9 degrees celsius at 34.8 degrees celsius sa Catbalogan, Samar noong March 6.
Nakapagtala naman ng 34.7 degrees celsius sa Metro Manila noong March 6 habang 34 degrees celsius kahapon at 32.1 degrees celsius sa Cebu noong March 7.
Binalaan din ng PAGASA ang publiko sa heat wave kaya’t dapat ugaliing magbaon ng tubig at mga pananggalang sa matinding init gaya ng payong o magsuot ng mga preskong damit.
By Meann Tanbio | Drew Nacino