Na-alarma ang Armed Forces of the Philippines o AFP sa naging akusasyon ni Moro National Liberation Front o MNLF Founding Chairman Nur Misuari laban sa Malaysia.
Ito’y makaraang isiwalat ni Misuari sa kaniyang talumpati kamakailan sa palasyo ng Malakaniyang na ang Malaysia umano ang nasa likod ng sunud-sunod na pagdukot sa Mindanao.
Ayon kay Lt/Col. Edgard Arevalo, pinuno ng public affairs office ng AFP, seryosong aligasyon ang binitiwan ni Misuari.
Maaari naman aniyang ilatag ni Misuari ang kaniyang mga ebidensya para suportahan at patunayan ang kaniyang mga akusasyon laban sa nasabing bansa.
Kasalukuyan na aniyang vinavalidate ng AFP ang mga impormasyong isiniwalat ni Misuari at makikipag-ugnayan sila sa mga awtoridad ng Malaysia hinggil sa usapin.
By: Jaymark Dagala