Idinepensa ni Senador Manny Pacquiao ang kanyang kasamahan na si Senador Panfilo Lacson mula sa pag-atake ng ilang mga bashers na tiga-suporta ng adminsitrasyon.
Ayon kay Pacquiao, hindi dapat masamain ng mga ito ang ginagawang pagbubunyag ni Lacson sa mga nangyayaring kurapsyon sa PhilHealth.
Sa halip aniya na batikusin si Lacson, dapat magpasalamat pa ang mga tiga suporta ng administrasyon na ginagampanan ng Senador ang hindi matitinag nitong kampanya kontra kurapsyon.
Iginiit ni Pacquiao, may ilang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan ang posibleng nagbibigay ng mga maling impormasyon sa pangulo at tungkulin ng mga mambabatas na magpakita ng mga matitibay na ebidensiya laban dito.
Dagdag ni Pacquiao, ang isinasagawang imbestigasyon ng Senado sa umano’y kurapsyon sa PhilHealth ay upang makabuo ng batas hinggil dito at nasa pagpapasiya at kapangyarihan na ng pangulo ang pagtanggal ng opisyal.