Sa halip na magmukmok at mawalan ng pag-asa ang mga magsasaka sa Kenya dulot ng hindi maubos-ubos na pulutong ng balang o locust na sumisira sa kanilang mga pananim, naisipan ng The Bug Picture, isang agriculture company sa Africa na gawing pataba sa lupa at pagkain ng hayop ang mga naturang insekto.
Ayon kay Laura Stanford, founder ng The Bug Picture, hinahanapan nila ng pag-asa ang sitwasyong kinakaharap ngayon ng magsasaka ng Kenya na makatutulong sa komunidad.
Sa ngayon, nasa Laikipia, Isiolo at Samburu sa central Kenya ang The Bug Picture upang mag-harvest ng mga insekto at gilingin ang mga ito upang gawing fertilizer at pagkain ng hayop na sinasabing mayaman sa protina.
Bilang pagbibigay kabuhayan sa mga magsasakang naaapektuhan ng pananalasa ng insekto, binabayaran ng The Bug Picture ang mga magsasaka sa bawat kilo ng locust na kanilang maiipon na may halagang 50 Kenyan shillings o nasa P22 kada kilo.
Ito ay kanilang hinuhuli tuwing gabi habang natutulog pa ang mga balang sa mga halaman.
Batay sa panayam ng Reuters kay Joseph Meija isang magsasaka sa Kenya, hindi na nila matiyak kung alin pa ang pananim at ang insekto dahil sa dami ng mga ito.
Tinatayang nasa 1.3 tonelada ng locust na ang nakolekta ng The Bug Picture magmula Pebrero 1-18.—sa panulat ni Agustina Nolasco