Isang malaking joke kung ituring ni Comission on Election (Comelec) commissioner Rowena Guanzon ang mga nagsusulong na magtatag ng isang revolutionary government.
Ayon kay Guanzon, tila nagbibiro ang mga taga suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte na siyang nagsusulong nito dahil layon aniya nito na patalsikin ang kasalukuyang gobyerno, ngunit kanila rin ulit itatalaga ang pangulo bilang pinuno ng revolutionary government.
Bukod pa rito aniya krimen ding maituturing ang pagsusulong nito at maaaring arestuhin ang mga nagsusulong nito kahit ng mga taumbayan sa kapangyarihan ng citizen’s arrest.
Isinulong ng grupong Mayor Rodrigo Roa Duterte National Executive Coordinating Committee ang pagtatatag ng revolutionary government para paspasan ang mga hindi pa natutupad na pangako ng pangulo gaya ng pagsulong sa pederalismo at paglaban sa iligal na droga at katiwalian sa bansa.