Hindi dapat maging hadlang ang sumulpot na sub-variant ng COVID-19 para matuto ang mga mag-aaral at makabalik sa face to face classes.
Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, hindi maaaring mamuhay ang mga mamamayan nang may takot at mahalagang matuto ang lahat na mabuhay kasama ang virus, lalo’t bukod sa COVID-19 ay mayroon pang mahigit 3,000 uri ng virus na naglipana.
Binigyang-diin ni Pimentel na kung hindi papayagan ang mga bata na patuloy na matuto, mag-aalala ang mga magulang sa kinabukasan ng kanilang mga anak kapag dumating ang panahon na sila na ang magpapalakad o mamahala sa ating lipunan.
Ito’y dahil may iba pang pandemic at health emergencies na posibleng mangyari sa mga susunod na panahon kaya’t kailangang bumalik sa mga paaralan ang mga bata para sa mas mahusay nilang edukasyon at trainingupang maging handa sa mga ganitong pagkakataon.
Ipinaalala naman ng senador na hindi na maibabalik ang nagdaang oras at ang mga estudyante ay minsan lang bata kaya’t dapat silang bigyang pagkakataong matuto kasabay ng interaksyon nila sa kanilang mga kapwa mag-aaral. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)