Posibleng bawiin ng ilang senador ang kanilang pagsuporta sa resolusyon na naglalayong kwestyunin ang naging desisyon nito na pagpapatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, batay sa kanilang Viber group nagpahayag ang ilang senador na pagnanais na bawiin ang kanilang lagda sa resolusyon na inihain ni Senador Kiko Pangilinan.
Hindi na pinangalanan pa ni Lacson ang naturang mga senador na sinasabing babawi ng kanilang pagsuporta sa resolusyon.
Bukod kay Pangilinan kabilang din sa lumagda sa naturang resolusyon ang mga senador na sina Koko Pimentel, Chiz escuDero, Antonio Trillanes, Sonny Angara, Leila de Lima, Grace Poe, Bam Aquino, Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros, Joel Villanueva, Loren Legarda, Minority Leader Franklin Drilon at Senate President Pro Tempore Ralph Recto.
Bigo ang Senado na mai-adopt ang resolusyon na kumukwestyon sa naging desisyon ng Korte Suprema na pagpapatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto petition.
Inabot na ng adjourned sine die ang naturang resolusyon ngunit inaasahang matatalakay pa ito sa muling pagbubukas ng sesyon sa Hulyo.
Bago ang huling araw ng sesyon ng Kongreso kahapon, naisalang pa sa debate ang naturang resolusyon.
Sa interpelasyon, kinuwestyon ni Senador Panfilo Lacson ang resolusyon dahil ito umano ay panghihimasok sa trabaho ng Korte Suprema na hindi alinsunod sa itinalaga ng konstitusyon.
Idinipensa naman ito ni Senate Minority Leader Franklin Drilon dahil ang resolusyon umano ay simpleng paghahayag lamang ng paninidgan ng Senado na sila ang may kapangyarihan sa impeachment.
—-