Iginiit ng mga kongresista na hindi maituturing na pamumulitika o panghuhusga na guilty ang ginawang pagsuporta ng mga mambabatas sa inihaing impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ayon kina Misamis Oriental 1st District Rep. Christian Unabia; Misamis Oriental 2nd District Rep. Bambi Emano; at Cagayan de Oro 1st District Rep. Lordan Suan, kasabay ng pagsasabing hindi nila kinokondena si VP Sara.
Ayon sa mga mambabatas, inendorso umano nila ang complaint sa ngalan ng prinsipyo ng transparency, accountability at due process.
Giit pa ng mga kongresista na kinilala nila ang constitutional process na sumisiguro na ang lahat ng public officials ay nabibigyan ng pagkakataong sumagot sa mga alegasyon sa isang patas na forum.
Paliwanag nina Representative Unabia, Emano at Suan, binibigyan si VP Sara ng plataporma para iprisenta ang kanyang depensa; pabulaanan ang mga ibinabatong akusasyon at linisin ang pangalan sa senado na magsisilbing impeachment court.
Anila, responsibilidad ng kamara na itaguyod ang rule of law at integridad ng public office anuman ang political affiliation o sinuman ang mga sangkot na personalidad. - sa panulat ni John Riz Calata