Suportado “in principle” ni Health Secretary Francisco Duque, III ang panawagan ng mga kapwa nya medical professional na huwag pigilan ng Malacanang ang imbestigasyon ng senado sa nakikitang iregularidad sa pagbili ng gobyerno ng pandemic supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Tugon ito ni Duque sa tanong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa pagdinig sa panukalang budget ng DOH hinggil sa panawagan ng mga kapwa nya duktor na hayaang maipagpatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa mga transaksyon ng procurement service ng DBM sa Pharmally.
Gayunman sinabi ni Duque na dapat na patuloy na tutukan ng mga kapwa nya duktor ang kinakaharap na public health emergency ng bansa dulot ng COVID-19 pandemic
Sinabi ni Drilon na bukas naman ang Senado na magpatupad ng reasonable adjustment sa ginagawang imbestigasyon dahil ayaw naman nilang palitawin na pinaparalisa nila ang paglaban ng gobyerno sa pandemya.
Ikinatuwa ito ni Duque at iminungkahi na tingnan ang posibilidad na huwag dalasan ang pagpapatawag sa kanila sa hearing para patuloy nilang matutukan ang kanilang trabaho na winelcome naman ni Drilon. —sa ulat ni Cely Ortega Bueno (Patrol 19)