Sa gitna ng nararanasang krisis dulot ng COVID-19 pandemic sa bansa, isinusulong ni Senate Committee on Economic Affairs, Chairman, Senator Imee Marcos na suspendihin muna ng isang taon ang ipinapataw na Value Added Tax (VAT) sa produktong petrolyo.
Ayon kay Senator Marcos, may domino effect ang oil price hike sa mga produktong agrikultura at iba pang pangunahing bilihin.
Ipapasa lang aniya ang dagdag na presyo ng langis sa mga consumer na karamihan ay hirap sa ngayon dahil nawalan ng trabaho, tumataas pa ang halaga ng pagkain, kuryente at mga bilihin.
Kung pansamantala aniyang masuspindi ang 12% VAT sa langis, malaking ginhawa ito sa mga motorista at mga konsyumer.
Mula Enero ng taong ito sinabi ni Marcos na pumalo na sa P13/liter ang itinaas ng gasolina; P10/liter sa diesel at P9/liter sa kerosene.
Ngayong araw nagpatupad na naman ang mga kumpanya ng langis ng oil price hike na umabot sa P1.15/liter sa gasoline, P.60/liter sa diesel at P.65/liter sa kerosene. –-ulat mula kay Cely Bueno (Patrol 19)