Suportado ng mga mambabatas ang desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nang siguruhin niyang may sapat na proteksyon o safeguard ang paggamit ng Maharlika Investment Fund (MIF).
Kinatigan ito ng ekonomista na si Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, House Appropriations Committee Vice Chairperson at Aklan 2nd District Rep. Teodorico Haresco Jr., senate majority leader Joel Villanueva, Senate Minority Leader Koko Pimentel at Senator Chiz Escudero.
Para sa mga mambabatas, nagsisilbi lamang katiwala ng sambayanang Pilipino si Pangulong Marcos matapos ang kanyang kautusan para magsagawa ng karagdagang pagsusuri sa implementasyon ng MIF Act of 2023.
Para kay Congressman Salceda, maipapatupad pa rin ang Maharlika Investment Fund ngunit kailangan pang suriin ng ehekutibo ang Implementing Rules and Regulations ng naturang batas.
Ayon kay congressman Haresco, tama ang naging desisyon ng Pangulo sapagkat hindi biro-biro ang pondo ng taumbayan kaya hindi dapag bara-bara ang diskarte dito.
Suportado naman nina Senate Majority Leader Villanueva at Minority Leader Pimentel ang direktiba ng Pangulo ang pagsuspinde ng implementasyon at pagsiguro ng sapat na safeguard sa batas.
Pinasalamatan din ni senator Escudero ang Pangulo sa pagtugon sa mga posibleng isyu na magmumula sa Implementing Rules and Regulations, pati na rin ang layunin ng MIF sa pangmatagalan.
Sa inilabas na memorandum ng Office of the Executive Secretary noong Oktubre 12, sinuspinde muna ang IRR ng MIF Act of 2023 sa Bureau of Treasury, Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP).
Nakasaad sa memorandum na nais ni Pangulong Marcos na magkaroon muna ng mas mahaba at malalim na pag-aaral sa naturang batas.
Bukod dito, nais din ng Pangulo na malinaw na mailatag muna ang mga safeguards para maging bukas ito o transparent at magkaroon ng pananagutan o accountability.