Siniguro ng Philippine National Police na mananatili itong technology-driven, propesyunal at apolitical sa pagpapatupad ng batas para sa kaayusan at kapayapaan ngayong 2025.
Ginawa ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang pahayag kasunod ng pagpasok ng bagong taon.
Iginiit ni General Marbil na mahalagang makasabay ang kanilang hanay sa nagbabagong demand ng makabagong panahon.
Kaugnay nito, tiniyak din ng Hepe ng pambansang pulisya, na higit pang paghuhusayan ng PNP ang kanilang mga inisyatiba upang protektahan ang buhay, bantayan ang mga ari-arian at ipatupad ang rule of law.
Hangad naman ni Gen. Marbil na makamit ng pambansang pulisya ang isang modernong puwersa para sa mas mabilis, maaasahan, propesyunal at may kakayahang sumabay sa makabagong panahon.