(UPDATED)
Malabong mangyari ang ‘no elections scenario’ sa bansa.
Ayon kay Congressman Reynaldo Umali, kahit pa may magtulak ng ‘no el scenario’ ay tiyak na hindi naman ito papayagan ng Senado.
“Mahirap nating maarok kung anong mangyayari sa 2019 dahil alam naman natin ang posisyon ng Senado so I don’t if it is wishful thinking, whatever it is ang unang importanteng susugan natin ay yung sa barangay tsaka na natin pag-usapan ‘yan, pero knowing the position of the Senate on that ay parang napakahirap na mangyari ‘yan.” Ani Umali
Una nang napaulat na si Umali ang nasa likod ng ‘no-el scenario’.
Gayunman, ayon kay Umali, hindi ‘no-el’ kundi pagpapaliban lamang ng barangay elections ang kanilang itinutulak.
Mas makakaganda aniya na isabay na lamang sa 2019 midterm elections ang barangay elections na nakatakda sa Mayo ng taong ito.
Ito aniya ay para bigyan ng pagkakataon ang pamahalaan sa proseso na dapat pagdaanan ng pagbago ng Saligang Batas.
“Ang sa aking panukala ay sa May 2019 para sabay na rin sa local at national elections, pag-isahin na lang ‘yan, gumugugol tayo ng 8 bilyon kada eleksyon, kung tatlong eleksyon po ‘yan ay aabutin tayo ng 24 bilyones na dapat sana’y gastusin na lang natin sa pangangailangan ng taongbayan.” Pahayag ni Umali
Matatandaang ibinunyag ni Caloocan City Representative Edgar Erice, na mismong si Umali ang pasimuno ng nasabing nilulutong ‘no-el scenario’ kasama ng ilang kongresista na kaalyado ng administrasyon.
Sinabi aniya ni Umali na layunin ng naturang hakbang na mapaghandaan ang pagsusulong ng Charter Change, federalismo at Bangsomoro Basic Law o BBL bilang suporta umano sa kagustuhan ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Erice, sakaling lumusot ang panukala, nais umano ni Umali na sa Oktubre sa susunod na taon isagawa ang barangay at SK eleksyon.
Ibinunyag din ni Erice na ipinagtapat sa kanya ni Umali na walang basbas ni Pangulong Duterte ang nasabing hakbang.
By Len Aguirre / (Ratsada Balita Interview)