Dapat na may sapat na pondo ang lahat ng ka-transaksyon ng gobyerno sa mga negotiated procurement na ginagawa kapag may kalamidad, emergency at kapag pumalya ang mga bidding.
Binigyang diin ito ni Senador Francis Tolentino sa paghahain ng Senate Bill Number 2433 kung saan nakapaloob na magiging mandatory ang pagsusumite ng mga dokumentong magpapatunay sa financial capacity ng lahat ng supplier, contractor at consultants sa negotiated procurement at o obligahin ang procuring entity o ahensya ng gobyerno na bibili ng produkto o serbisyo na mag siyasat sa financial, technical at legal capacity ng supplier, contractor o consultants.
Ayon kay Tolentino, aamyendahan nito ang Government Procurement Act o Republic Act 9184 na nagsasaad na dapat ay financially capable o may sapat na pera ang kontratista para masigurong darating o maisusuplay ang binibiling produkto at serbisyo.
Isinulong ni Tolentino ang panukala matapos matuklasan sa pagdinig ng Senado na walang financial capacity ang Pharmally Pharmaceutical Corporation na may paid up capital na P625,000 lamang pero nakakuha ng mahigit P10-B na halaga ng kontrata. —sa ulat ni Cely Ortega Bueno (Patrol 19)