Nagpaalala ang Commission on Elections na magsumite na ng kanilang Statement of Contribution and Expenditures o SOCES ang lahat ng mga lumahok sa 2022 National and Local Elections, kabilang ang mga kandidatong nag-withdraw.
Ayon kay Comelec commissioner George Garcia, dito malalaman kung saan galing ang pondong ginastos ng mga kandidato sa kampanya.
Nakasaad sa batas na kailangan maisumite ang SOCES sa poll body 30 araw pagkatapos ng araw ng botohan at hindi makakaupo sa kanyang puwesto ang sinumang mahahalal na kandidato hangga’t hindi siya nakapaghahain nito.
Mababatid na sa ilalim ng Section 14 ng Republic Act 7166, bawat kandidato at treasurer ng political party ay kinakailangan maghain sa Comelec ng listahan ng buo, totoo at itemized statement ng lahat ng kontribusyon at gastos na may kinalaman sa halalan.