Hindi pa rin inererekomenda ng pamunuan ng Department of Health (DOH) ang paggamit o pagsusuot ng dobleng face mask kontra sa mas matindi at mas mabilis kumalat na bagong variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa ngayon ay wala pang ebidensya ang nagpapatunay na kailangan ngang magsuot ng dobleng face mask para madoble rin ang panangga sa virus.
Paliwanag ni Vergeire, sa paggamit pa lang ng face mask ay nakapagbibigay na ng sisenta hanggang sitenta porsyento ng proteksyon, at aabot pa ng hanggang sa 90% ng proteksyon kung ito’y sasabayan ng pagsusuot ng face shield at physical distancing.
Sa huli, giit ni Vergeire ang mga nabanggit namang mga health protocols o pag-iingat kontra COVID-19 ay napatunayan naman aniyang mabisa at makatutulong na hindi tataas ang kaso ng virus sa bansa.