Hindi sapat ang pagsusuot ng face mask at face shield para maprotektahan laban sa COVID-19 ang isang indibiduwal kung nasa matao siyang lugar.
Ito ang ipinaalala ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kasunod ng pagdagsa ng mga tao sa Divisoria at Baclaran upang mamili para sa darating na Kapaskuhan, nitong weekend.
Ayon kay Vergiere, hindi pa nawawala ang COVID-19 virus na higit aniyang nakahahawa kung siksikan at dikit-dikit ang mga taos sa isang lugar.
Paalala ni Vergeire, nananatili pa ring ipinagbabawal sa ilalim ng guidelines ng Inter-Agency Task Force ang malakihang pagtipun-tipon dahil sa mataas na panganib ng community transmission sa mga ganung aktibidad.
Kaugnay nito, hinimok ni Vergeire ang publiko na kung maaari ay iwasan na muna ang magtungo sa mga matataong lugar.