Optional na rin ang pagsusuot ng face mask sa outdoor spaces sa lalawigan Negros Occidental.
Alinsunod ito sa Executive Order na nilagdaan ni Governor Eugenio Jose Lacson, noong Biyernes.
Ang nasabing kautusan ay “effective immediately” sa buong lalawigan maliban sa indoor spaces at medical facilities.
Ang Negros Occidental na ang ikatlong lugar sa bansa na nagpatupad ng optional na pagsusuot ng face masks sa outdoors spaces matapos ang Cebu City at lalawigan ng Iloilo.
Ito’y matapos ang sinasabing “verbal approval” ni Pangulong Bongbong Marcos sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force na gawin na lamang boluntaryo ang pagsusuot ng face mask sa labas ng bahay.
Gayunman, nilinaw ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na hindi pa isinasapinal ang nasabing polisiya.