Iginiit ni Malay Acting Mayor Frolibar Bautista na nasunod ang pagsusuot ng face masks sa Boracay.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ng alkalde na mayroong mga itinalagang pulis upang matiyak na nasusunod ang mga health protocol.
Sa ngayon aniya ay hindi pa niya nakakausap ang Department of Tourism (DOT) kaugnay sa nangyaring paglampas sa limit ng mga turistang bumisita sa Boracay nitong Semana Santa.
Paliwanag ni Bautista, matapos ang halos dalawang taong mahigpit na restriksyon dahil sa COVID-19 pandemic, ay tila nasabik ang publiko na bumisita sa isla.
Matatandaang pinagpapaliwanag ng DOT ang alkalde matapos pumalo sa 21,252 ang bilang ng mga turista noong Huwebes Santo at 22,519 noong Biyernes Santo, kung saan lampas ito sa 19,215 na carrying capacity.