Gagawin nang boluntaryo ang pagsusuot ng face mask sa mga indoor areas.
Katunayan, sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni Tourism Secretary Christina Frasco na nakatakdang maglabas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng direktiba o executive order na may kaugnayan dito.
Napagkasunduan aniya ito kasunod ng ipinatawag na Cabinet meeting ni Pangulong Marcos ngayong araw.
Ayon kay Frasco, ilalabas ang kautusan batay na rin sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na may ilang exemptions kasabay ng pagluluwag ng restrictions sa iba’t ibang panig ng bansa.
Gayunman, ipinaliwanag ni Frasco na ire-require pa rin ang pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong transportasyon, medical transportation at medical facilities.
Maliban dito, imumungkahi rin aniya ang pagsusuot ng face mask para sa mga hindi bakunadong indibidwal, may co-morbidities at senior citizens.