Ipinasa na ng lokal na pamahalaan ng Makati ang ordinansa na nag-aatas sa mga residente na magsuot ng face masks o protective gear tuwing lalabas ng kani-kanilang mga tahanan.
Batay sa City Ordinance No. 2020-089, ang mga residente, manggagawa at bisita ay dapat na may suot ng masks tuwing lalabas ng bahay upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Hinihimok naman ng lokal na pamahalaan ng Makati ang mga residente na walang masks at protective gears na gumamit na lamang ng panyo, ear-loop masks, scarfs, cloth masks o di kaya’y gumawa ng do-it-yourself (DIY) masks.
Samantala, ang mga unang beses na makalalabag sa ordinansa ay pagmumultahin ng P1,000, para sa second offense ay P3,000 habang P5,000 naman o pagkakakulong ng hanggang anim na buwan ang third offense o maka-ilang beses na lalabag sa batas.