Hindi pa kumbinsido si Dr. Ted Herbosa, special adviser ng Inter-Agency Task Force for the management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na dapat nang alisin ang health protocol na pagsusuot ng face shield.
Ayon kay Herbosa, may batayan ang pagsusuot ng faceshield at malaki ang proteksyong naibibigay nito.
Naniniwala rin si Herbosa na malaki ang nagawa ng faceshield para bumaba ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Kapag inalis mo kasi yung face shield, yung lining dito sa ilalim ng mata mo pwedeng dapuan ng virus lalo na’t walang aircon. So, tataas yung cases mo lalo na sa matataong lugar, pagnag-facemask ka at nag-face shield biglang nagde-decrease talaga, almost 90% parang as good as vaccination,” ani Herbosa.
Itinanggi rin ni Herbosa na dahil lamang sa negosyo kung bakit kailangan pang magsuot ng faceshield.
Aniya wala namang negosyanteng kasama sa mga nagdesisyon na dapat isama sa health protocol ang pagsusuot ng face shield natural lang umano na kapag may demand, mayroong magbebenta nito.
Ang face shield makita natin napakamura merong P10 yata at meron din yung mahal na umaabot sa P50. Atsaka ito’y base sa kakayahan mo magbayad so, ‘yun okay sa akin yung iba-ibang klase ng face shield pero basta merong standard na lampas ng noo at saka hanggang baba ‘yon rin ang sinasabi ng ating infectious disease experts,” ani Herbosa.