Ipinanawagan ng isang eksperto ang pagsusuot ng facemask sa loob ng pampublikong sasakyan.
Kasunod ito ng naging pahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na pinapayagan na ang mga nakatayong pasahero sa public utility buses (PUBs) at modern public utility jeepneys (MPUJ) sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 1.
Ayon kay Infectious Disease Expert Dr. Rontgene Solante, dapat paring isuot ang facemask sa mga public utility vehicles (PUVs) para mabawasan at maiwasan ang panganib na mahawaan ng covid-19 virus ang isang indibidwal.
Sinabi ni Solante na problema lang ang pagtatanggal ng facemask sa pampublikong lugar at pampublikong sasakyan dahil walang social distancing.
Bukod pa dito, mabilis mahahawaan ang isang indibidwal dahil mataas ang tiyansa nito na makatabi ang pasaherong may ubo at sipon na hindi umano nakafacemask.
Iginiit ni Solante na ang pagpapanatili sa pagsusuot ng facemask ay malaking tulong para maprotektahan ang sarili laban sa iba’t-ibang uri ng virus.