Dapat ipagpatuloy ang pagsusuot ng facemask sa loob ng mga paaralan sa kabila ng pahayag ni Tourism Secretary Christina Frasco na magiging boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng facemask sa indoor areas.
Ito ang panawagan ng DOH Technical Advisory Group- Pediatric Infectious Diseases halos isang linggo bago ang full implementation ng face to face classes.
Ayon kay Dr. Anna Ong-Lim, miyembro ng DOH Technical Working Group, wala namang mawawala kung magsusuot pa rin ng facemask ang mga estudyante, lalo’t magkukumpulan muli ang mga ito simula sa November 2.
Karaniwan anyang tumataas ang COVID-19 kapag nababago ang mga scenario o kung luluwagan ang protocols kahit mayroon pa ring pandemya.
Una nang inihayag ng Department of Education na magiging optional para sa mga mag-aaral ang pagsusuot ng face masks sa outdoor settings alinsunod sa umiiral na polisiya ng gobyerno.
Tanging mga hindi bakunado laban sa COVID-19, may comorbidities at senior citizens ang hinihikayat na magsuot pa rin ng facemasks.