Irerekomenda ni Interior Usec. for Barangay Affairs Martin Diño kay Sec. Eduardo Año ang pagpapasuot ng identification cards at vaccination cards sa mga lalabas ng bahay sa mga lugar na nakasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay Diño, ito ay upang hindi na mahirapan sa checkpoints ang mga awtoridad at maiwasan ang mahabang pila dahil natatagalan sa pagsusuri ang mga pulis at barangay official kapag nakatago ang ID.
Hindi na aniya pagsasabihan pa ang mga mapatutunayan na lumalabas ng bahay na wala namang mahalagang gagawin bagkus ay dadalhin na sa prisinto o barangay para makasuhan.
Iginiit pa ni Diño na paulit-ulit na lamang ang paalala at masyado nang naging mabait ang gobyerno sa mamamayan sa loob ng isang taon na paglaban sa Covid-19 pandemic.—sa panulat ni Hyacinth Ludivico