Magiging requirement na para sa mga manlalaro ng National Basketball Association (NBA) ang pagsusuot ng tracking devices sa lahat ng team buses at eroplano upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus.
Ayon sa ulat ng ESPN, ipatutupad na ang sensor program simula ika-7 ng Enero kung saan saklaw nito ang lahat ng mga atleta, team officials, at mga coaches.
Sinasabing layunin nitong matukoy ang mga club members na kailangang i-quarantine kapag may isang miyembro ng koponan na nagpositibo sa COVID-19.
Sa pamamagitan ng sensor na suot ng team members, malalaman kung nakalapit ito sa iba pang may sensor sa layong 6 na talampakan.
Samantala, hindi naman oobligahing magsuot ng sensor ang mga manlalaro kung nasa loob ito ng team hotel sa kanilang road games o kaya’y nasa mismong laro ng koponan.