Muling nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na palagiang sundin ang minimum public health and safety protocols kontra COVID-19.
Ito’y kasunod ng babala ng PNP hinggil sa posibleng pagsirit muli ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa matapos umakyat ng 300 porsyento ang aktibong kaso sa kanilang hanay sa loob ng isang araw.
Batay sa datos ng PNP Health Service, pumalo sa 20 ang naitalang aktibong kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay ngayong araw mula sa 5 kahapon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, P/BGen. Roderick Alba, tila sumasabay sa General Populace ang pagtaas-baba ng mga naitatala nilang aktibong kaso.
Tinalakay na aniya sa Joint Task Force COVID-19 Shield ang muling pagdami ng mga tinatamaan ng virus kasabay ng pagluluwag sa ipinatutupad na quarantine restrictions. – ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)