Nagpahayag ng pagkabahala ang Muntinlupa Council for the Protection of Children (MCCPC) sa tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa hanay ng mga kabataan.
Dahil dito, nanawagan si MCCPC Chair at Mayor Jaime Fresnedi sa mga magulang na gabayan at bantayang mabuti ang kanilang mga anak.
Nagpatawag din ng emergency meeting si Fresnedi sa mga miyembro ng konseho at mga kinatawan ng mga barangay kung saan tinalakay nito kung paano matutugunan ang health crisis na kinasasangkutan ng mga kabataan.
Ayon kay City Health Officer Dra. Teresa Tuliao, tumataas ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa hanay ng 0-19 age group at hinihinalang nangyayari ang transmission sa tuwing lumalabas o naglalaro ang mga ito sa labas ng kanilang bahay.
Maliban dito, tinalakay din sa pagpupulong ang lumalalang teenage pregnancy o maagang pagbubuntis ng mga teenager ngayong patuloy na umiiral ang community quarantine.