Aminado ang Philippine National Police o PNP na tumaas ang bilang ng mga kaso ng rape – slay makaraang mawala sa PNP ang giyera kontra droga.
Ayon kay PNP Chief, Director General Ronald “Bato” Dela Rosa, nakaka – alarma ang sunod – sunod na mga kaso ng pagpatay at panggagahasa nitong mga nakaraang lingo, kung saan hinihinalang nasa impluwensiya ng iligal na droga ang mga salarin.
Giit ni Dela Rosa, ngayon lamang tumaas ang mga kaso ng rape – slay sa ilalim ng administrasyon nang mawala na ang PNP sa anti – drug campaign at inilipat ito sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Aniya, katunayan, nitong unang anim na buwan ng pinaigting na giyera kontra droga ng PNP ay bumulusok pa pababa ang mga kaso ng rape, kung saan ilan sa mga biktima ay pinapatay pa ng mga suspek.
Batay sa datos ng PNP, kasama sa mga nangungunang walong uri ng mga krimen na tinutukan ng PNP ay ang riding in tandem criminals, robbery, homicide, murder, physical injuries, rape at carnapping.