Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang pagkamatay ng ilang bilanggo sa Pasay City Police Jail dahil sa iba’t ibang sakit at sobrang init bunsod ng pagsisiksikan.
Ayon kay Philippine National Police o PNP Spokesman, Chief Superintendent John Bulalacao, sinisilip na Southern Police District kung nagkaroon ng posibleng “criminal aspect” sa kaso.
Inaalam naman ng National Capital Region Police Office Internal Affairs Service kung nagkaroon ng posibleng administrative lapses na maaaring i-ugnay sa pagkamatay ng ilang preso.
Tatlong bilanggo na ang namamatay sa nasabing piitan dahil umano sa sobrang siksikan at init, simula noong Pebrero.
Noon lamang isang linggo, nadagdag sa listahan ng mga namatay si Domingo Delos Santos, 30-anyos habang nasa tatlumpung (30) iba pang preso ang isinugod sa Pasay City General Hospital matapos himatayin sa sobrang init.
—-