Walang katotohanan na ginigipit ang Mindanao at Visayas sa bakuna.
Ito ang binigyang diin ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang kongresista matapos ang naging paratang nito na napapabayaan na ang Mindanao dahilan kung bakit tumataas ang bilang ng kaso ng COVID-19 cases.
Ayon kay Roque, base sa lumabas na mga datos, kaya nagkakaroon ng pagtaas ng kaso sa Visayas at Mindanao dahil ilang residente ang hindi sumusunod sa ipinapatupad na minimum health protocols at hindi dahil sa kawalan ng bakuna.
Bukod dito, hindi rin sumailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) at modified ECQ ang mga naturang lugar.
Bagama’t aniya nasa 38% lamang ang dumarating na bakuna sa bansa, ipinapamahagi naman kaagad ito sa mga rehiyon.
Samantala, tiniyak naman ni Roque na agad-agad namang magpapadala ng mas maraming bakuna sa mga nakakaranas ng pagtaas ng kaso kabilang na ang Visayas at Mindanao.