Nangangamba ang PNP o Philippine National Police na posibleng tumaas ang drug activity at krimen sa bansa matapos alisin sa kanila ang mandato na pangunahan ang kampanya ng pamahalaan kontra illegal na droga sa bansa at ilipat ito sa PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Supt. Dionardo Carlos , batay sa kanilang record , tumaas ang kaso ng krimen nuong inihinto ng PNP ang anti – illegal drug operation mula nuong Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon.
Sinegundahan naman ito ni NCRPO Chief Director Oscar Albayalde dahil posible aniyang hindi kayanin ng PDEA na bantayan ang bawat sulok ng bansa lalo na’t hindi sapat ang bilang ng kanilang mga tauhan.
Samantala nilinaw ni Albayalde na maaari parin nilang damputin ang sinumang drug suspek na maaaktuhang gumagamit ng illegal na droga pero sa halip na sa himpilan ng pulis ay sa tanggapan na ng PDEA na nila ito dadalhin.