Hindi ikinaalarma ng Malakanyang ang pataas sa inflation rate nitong Disyembre.
Kasunod ito ng naitalang 2.5% inflation rate noong nakaraang buwan na mas mataas sa naitala namang 1.3% noong Nobyembre.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, pasok pa rin naman aniya ito sa target na 2% hanggang 4% inflation rate.
Batay rin aniya sa pahayag ng National Economic and Development Authority (NEDA), inaasahan na ang pagbilis sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa pagtaas na rin ng presyo ng mga food at non-food items bunsod naman epekto ng mga nagdaang bagyo.
Gayundin ang epekto ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa buwan ng Disyembre.
Tiniyak naman ni Panelo na patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng economic managers ng pamahalaan sa inflation ng bansa sa gitna na rin ng mga pandaigdigang banta.