Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) na tumataas na ang insidente ng kidnapping sa bansa.
Ito ang binigyang-diin ni PNP Spokesperson, Col. Jean Fajardo sa gitna ng magkakasunod na ulat na lumalabas sa social media hinggil sa pagkawala ng ilang tao sa Bulacan, Palawan, Cebu, Parañaque at Batangas.
Ayon kay Fajardo, batay sa imbestigasyon ay kusang umalis ng bahay ang dalawang bata sa Bulacan, matapos mapagalitan at nag-overnight sa kaibigan ang pangalawa.
Sa insidente naman ng dalagitang natagpuang patay sa Bustos at pagpatay sa babaeng engineer sa Bulacan na nahuli naman na anya ang mga suspek kaya hindi ito itinuturing na kidnapping.
Tiniyak naman ni Fajardo na mabilis nang inaaksyunan ng PNP ang lahat ng kaso ng napaulat na nawawala, at walang dapat na ika-alarma rito ang publiko.