Malaki ang posibilidad na lalong tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa bunsod ng pagtigil sa serbisyo sa testing ng Philippine Red Cross.
Ito ang inihayag ni PRC Chairman, Senador Richard Gordon dahil hindi agad matutunton ang nahawaan ng COVID-19.
Ayon kay Gordon, sakaling mangyari ito, wala aniyang ibang dapat sisihin kundi ang PhilHealth.
Ito ay dahil natigil ang pagbibigay serbisyo ng PRC para sa COVID-19 test matapos mabigo ang state-insurer na bayaran ang utang nito na umaabot na sa P1.1-B.
Sinabi ni Gordon, oras na mabayaran na ng philhealth ang pagkakautang nito sa PRC, hindi na aniya niya gugustuhin pang makipag-transaksyon sa ahensiya.
Ani Gordon, tiwali ang mga tao sa loob ng PhilHealth kahit noong wala pa ang COVID-19 pandemic at hindi rin matinong ka-transaksyon.