Binabantayan ng Department Of Health (DOH) ang ilang lugar sa Mindanao na nakitaan ng pagtaas sa kaso ng coronavirus disease COVID-19.
Ito ang kinumpirma ni Health Spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Aniya, patuloy na nakikipag-ugnayan ang DOH sa kanilang mga regional officials sa Mindanao para mahigpit na ma-monitor ang sitwasyon sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19.
Sa kabila naman nito, tiniyak ni Vergeire na kinakaya pa ng healthcare system at mga ospital sa mindanao ang sitwasyon doon.
Sinabi ni Vergeire, wala pang dapat ikabahala sa ngayon dahil patuloy pa rin ang pagtanggap ng mga pasyente ng mga ospital sa Mindanao.
Dagdag ng opisiyal, mahigpit din ang ginagawang screening o pagsasala ng mga awtoridad sa mga border sa Mindanao tulad sa Sulu dahil hindi aniya hahayaan ng pamahalaan na makapasok sa bansa ang mga may COVID-19.