Ikinalugod ng Malakanyang ang muling pagtaas sa net satisfaction rating ng administrasyong Duterte sa huling bahagi ng 2019.
Ito ay matapos maitala sa survey ng Social Weather Stations (SWS) ang plus 73 o katumbas ng excellent net satisfaction rating ng Duterte administration na isinagawa noong nakalipas na Disyembre.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nangangahulugan itong nananatili pa ring malakas ang suporta ng mayorya ng mga Filipino kay Pangulong Duterte.
Malinaw na indikasyon din aniya itong nagtitiwala ang nakararaming Filipino sa pamahalaan sa ilalim ng pangangasiwa ng Pangulo.
Tiniyak naman ni Panelo na sa kabila ng mataas na rating, hindi magpapakampante ang pamahalaan at patuloy na magsusumikap para makapagbigay ng mas maigting na pagseserbisyo sa taumbayan.
Una nang lumabas sa survey ng SWS na 81% ng mga Filipino ang kontento o nasisiyahan sa kanbuuang performance ng adminsitrasyong Duterte, 12% ang hindi tiyak kung nasisiyahan o hindi habang 7% ang hindi nasisiyahan.